Kabihasnan ng Egypt sa Africa



ANG SINAUNANG KABIHASNAN SA AFRICA

Isang sinaunang kabihasnan ang nagmula sa lambak ng Nile River sa Egypt na nasa hilagang-silangang bahagi ng Africa. Ang kabihasnan sa Mesopotamia ay mas naunang nagsimula subalit masasabing mas naging matatag ang kabihasnang yumabong sa Egypt. Ang sinaunang Egypt ay nabuklod bilang isang estado pagsapit ng 3100 B.C.E. at nakapagpatuloy sa loob halos ng tatlong milenyo. 

Batay sa mga ebidensiyang arkeolohikal, mayroon ng lipunan sa Egypt bago pa nagsimula ang kabihasnan sa Lambak ng Nile. Ang mga isinagawang paghuhukay sa Egypt ay patuloy na nagpabago sa pananaw ng mga iskolar tungkol sa pinagmulan ng kabihasnan nito. Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, natuklasan ng mga arkeologo ang isang tirahan ng mga sinaunang tao sa timog-ng kanlurang bahagi ng Egypt malapit sa hangganan ng Sudan. Tinatayang naroroon na ang paninirahang bago pa sumapit 8000 B.C.E. Sinasabing maaaring ang mga kaanak o inapo ng mga taong ito ang nagpasimula sa kabihasnang Egyptian sa Lambak ng Nile.


HEOGRAPIYA NG EGYPT

Sa pag-unawa sa heograpiya ng sinaunang Egypt, mahalagang tandaang ang tinutukoy na Lower Egypt ay nasa bahaging hilaga ng lupain o kung saan ang Ilog Nile ay dumadaloy patungong Mediterranean Sea. Samantala, ang Upper Egypt ay nasa bahaging katimugan mula sa Libyan Desert hanggang sa Abu Simbel. Ang Nile River na may 4160 milya o 6694 kilometro ang haba ay dumadaloy mula katimugan patungong hilaga.

Noon pa mang unang panahon, ang Egypt ay tinawag na bilang The Gift of the Nile dahil kung wala ang ilog na ito, ang buong lupain nito ay magiging isang disyerto. Tila hinihiwa ng ilog na ito ang bahaging hilagang-silangan ng disyerto ng Africa. 

Dati-rati, ang malakas na pag-ulan sa lugar na pinagmumulan ng Nile ay nagdudulot ng pag-apaw ng ilog tuwing Hulyo bawat taon. Ang pagbahang idinudulot ng Nile ay nahinto lamang noong 1970 nang maitayo ang Aswan High Dam upang makapagbigay ng elektrisidad at maisaayos ang suplay ng tubig.

Sa Panahong Neolitiko, ang taunang pag-apaw ng Nile ay nagbigay-daan upang makapagtanim ang mga magsasaka sa lambak-ilog. Ang tubig-baha ay nagdudulot ng halumigmig sa tuyong lupain at nag- iiwan ng matabang lupain na mainam para sa pagtatanim. 

Ang mga magsasaka ay kaagad nagtatanim sa pagbaba ng tubig-baha. Ang putik na dala ng ilog ay unti-unting naiipon sa bunganga ng Nile sa hilaga upang maging latiang tinatawag na delta. Ang lugar na ito ay nagging tahanan ng mga ibon at hayop. Maaari ring gamitin ang tubig mula rito para sa mga lupang sakahan.

Upang maparami ang kanilang maaaring itanim bawat taon, ang mga sinaunang Egyptian ay gumagawa ng mga imbakan ng tubig at naghukay ng mga kanal upang padaluyin ang tubig sa kanilang mga lupang sinasaka. Ang ganitong mga proyekto ay nangangailangan ng malaking bilang ng mga manggagawa, sapat na teknolohiya, at maayos na mga plano. Ang pagtataya ng panahon kung kailan magaganap ang mga pagbaha ay naisakatuparan din sa mga panahong ito.

Maliban sa kahalagahan nito sa pagsasaka, ang Nile ay nagsilbing mahusay na ruta sa paglalakbay noong mga panahong iyon. Nagawa nitong mapag-ugnay ang mga pamayanang matatagpuan malapit sa pampang ng ilog. Ang pagkakaroon ng mga disyerto sa silangan at kanlurang bahagi ng ilog ay nakapagbigay ng kaligtasan sa Egypt sapagkat nahahadlangan nito ang mga pagsalakay. Dahil dito, ang mga tao ay nagawang makapamuhay nang mapayapa at masagana sa loob ng mahabang panahon.

KABIHASNANG EGYPTIAN

Ang sinaunang kasaysayan ng Egypt ay kadalasang hinahati sa mga panahong batay sa dinastiya ng naghaharing pharaoh. 

Ang pharaoh ang tumayong pinuno at hari ng sinaunang Egypt at itinuring ding isang diyos na taglay ang mga lihim ng langit at lupa. 

Para sa mga pharaoh, sila ang tagapagtanggol sa kanilang nasasakupan. 

Sa pangkalahatan, maituturing na kontrolado ng isang pharaoh ang lahat ng aspekto ng pamumuhay ng mga sinaunang Egyptian.

Kabilang sa kaniyang mga tungkulin ang pagsasaayos ng mga irigasyon, pagkontrol sa kalakalan, pagtatakda ng mga batas, pagpapanatili ng hukbo, at pagtiyak sa kaayusan ng Egypt.

Ang mga sinaunang Egyptian ay namuhay sa mga pamayanang malapit sa Nile. 

Tulad sa Mesopotomia, sumasailalim sila sa pamamahala ng mga lokal na pinunong may kontrol sa pakikipagkalakalan.

Ang mga eskribano ay nakapaglinang din ng kanilang sariling sistema ng pagsulat na tinatawag na hieroglyphics o nangangahulugang “sagradong ukit” o hieratic sa wikang Greek. Ang sinaunang panulat na ito ay naging mahalaga sa pakikipagkalakalan at pagtatala ng mga pangyayari

Pagsapit ng ikaapat na milenyo B.C.E., ang ilang pamayanan ay naging sentro ng pamumuhay sa sinaunang Egypt. 

Nang lumaon, ang mga ito ay tinawag na nome o malalayang pamayanan na naging batayan ng mga binuong lalawigan ng sinaunang estado ng Egypt. 

Ang mga pinuno ng mga nome o nomarch, ay unti – unting nakapagbuklod ng isang estado sa Nile upang makabuo ng panrehiyong pagkakakilanlan.

Ang proseso ng pagbubuo ng isang estado ay nagtagal ng ilang siglo. Mahalagang salik ang pagkakaroon ng mga alyansa sa harap ng mabilis na mga pagbabago sa aspektong pangkabuhayan at politikal. 

Unti-unti ring lumaki ang populasyong nangailangan ng mas intensibong irigasyon para sa mga lupang sakahan.

Dalawang kaharian ang nabuo sa kahabaan ng Nile, ang Upper Egypt at Lower Egypt. Noong 3100 B.C.E., isang pinuno ng Upper Egypt, sa katauhan ni Menes, ang sumakop sa Lower Egypt na nagbigay-daan upang mapag-isa ang lupain sa mahabang panahon. 

Si Menes ay isa sa mga pinakaunang pharaoh sa panahon ng Unang Dinastiya ng Egypt. Maliban sa pagkakaroon ng pinag-isang pangangasiwa, nagtalaga rin siya ng mga gobernador sa iba’t ibang lupain. 

Ang Memphis ang naging kabisera sa panahon ng paghahari ni Menes.

Makalipas lamang ang dalawang siglo, nahinto ang pagtatayo ng mga piramide. Sa kabuuan, tinatayang may 80 lokasyon ang pinagtayuan ng mga piramide sa Egypt subalit ang karamihan sa mga ito ay gumuho na. 

Ang mga piramide ang tanging estrukturang Egyptian na nananatili sa kasalukuyang panahon. Kabilang ito sa tinaguriang Seven Wonders of the Ancient World na itinala ng mga Greek na pinakamagandang arkitektura sa mundo.

Bagama’t natigil na ang pagpapagawa ng piramide, itinuon na lamang ng mga pharaoh ang panahon sa iba pang mga pampublikong gawain. Kabilang dito ang paghukay ng kanal upang iugnay ang Nile River at Red Sea at nang mapabilis ang kalakalan at transportasyon. Gayundin ang pagsipsip ng mga latian sa Nile Delta upang maging bagong taniman.

Si Pepi II ang kahuli-hulihang pharaoh ng Ikaanim na Dinastiya (circa 90 B.C.E.). Pinaniniwalaang tumagal ng 94 na taon ang kaniyang pamumuno na nangangahulugang siya ang pinakamatagal na naghari sa lahat ng hari sa kasaysayan. Anim na taong gulang lamang si Pepi II nang maupo sa trono. Namatay siya sa edad na 100. 

Bumagsak ang Old Kingdom sa kaniyang pagkamatay. Ang kaharian ay nagsimulang humina dahil sa laganap na tag-gutom at mahinang pamamahala. Nagsimulang hamunin ng ilang mga opisyal ng pamahalaan ang kapangyarihan ng pharaoh. Dahil dito, nasadlak ang lupain sa kaguluhan sa loob halos ng dalawang siglo.

Ang tinatawag na Unang Intermedyang Panahon ay panahon ng Ikapito hanggang Ika-11 Dinastiya ng Egypt. 

Sa pagsapit ng 2160 B.C.E., tinangka ng mga panibagong pharaoh na pagbukluring muli ang Lower Egypt mula sa kabisera nitong Heracleopolis. Sa kabilang dako, ang kanilang mga katunggali sa Thebes ay binuo naman ang Upper Egypt. Dulot nito, nagsagupaan ang dalawang magkaribal na dinastiya sa Egypt. 

Ang mga pinuno mula sa Heracleopolis ay nagmula sa linya ng pharaoh na si Akhtoy samantalang ang unang apat na pinuno mula sa Thebes ay pinangalanang Inyotef o Antef.

Ang kaguluhang politikal ay nagtapos nang manungkulan si Mentuhotep I. Sa mga sumunod na naghari, napag-isa muli ang Egypt. Nalipat ang kabisera sa Itjtawy (ipinapalagay na ngayon ay el-Lisht) sa Lower Egypt. 

Sa panahon ni Senusret I o Sesostris I (1970-1926 B.C.E.), nakipagtunggali siya sa bahaging Nubia. 

Noong 1878 B.C.E., ipinagpatuloy ni Senusret o Sesostris III (1878-1842 B.C.E.) ang kampanyang militar sa Nubia. Sa una ring pagkakataon, tinangka niyang palawakin ang kapangyarihan ng Egypt hanggang Syria. 

Ang pinakamahusay na pinuno ng panahong ito ay si Amenemhet II (1929-1895 B.C.E.) na namayani sa loob ng 45 taon.

Hindi sa Lambak ng Nile naganap ang mga gawain ng karamihan sa mga naging pinuno ng Ika-12 Dinastiya. 

Sa halip, maraming ekspedisyon ang nagtungo sa Nubia, Syria, at Eastern Desert upang tumuklas ng mahahalagang bagay na maaaring minahin o mga kahoy na maaaring gamitin.

Nagkaroon din ng kalakalan sa pagitan ng Egypt at Crete ng kabihasnang Minoan.

Hindi sa Lambak ng Nile naganap ang mga gawain ng karamihan sa mga naging pinuno ng Ika-12 Dinastiya. 

Sa halip, maraming ekspedisyon ang nagtungo sa Nubia, Syria, at Eastern Desert upang tumuklas ng mahahalagang bagay na maaaring minahin o mga kahoy na maaaring gamitin.
Nagkaroon din ng kalakalan sa pagitan ng Egypt at Crete ng kabihasnang Minoan.

Ang Ika-13 Dinastiya ay bahagi ng Gitnang Kaharian. Kaguluhan at pagdating ng mga Hyksos mula sa Asya ang namayani sa panahong ito. 

Ang katagang Hyksos ay nangangahulugang “mga prinsipe mula sa dayuhang lupain.” Sinamantala nila ang mga kaguluhan sa Nile upang makontrol ang lugar at palawigin ang kanilang kapangyarihan sa katimugan. 

Nagsimula ang pamamayani ng mga Hyksos noong 1670 B.C.E. at kanilang napasailalim ang Egypt sa loob ng isang siglo. Hindi nagtagal, ang kanilang paggamit ng mga chariot ay natutuhan din ng mga Egyptian.

Nang lumaon, dahil sa kawalan ng kontrol sa kabisera, nagsimula ang panibagong panahon sa kasaysayan ng Egypt.

Nagpatuloy ang pamamahala ng mga Ika-13 at Ika-14 na Dinastiya sa alinman sa dalawang lugar, sa Itjtawy o sa Thebes. Subalit nang lumaon, nagsimulang humina ang kanilang kontrol sa lupain. Ayon sa mga tala, ang Ika-13 Dinastiya ay nagkaroon ng 57 hari. Ito ay nagpapahiwatig ng kawalan ng kapanatagan at katatagan sa pamamahala. Ang Ika-15 Dinastiya ay nangingibabaw sa isang bahaging Nile Delta. 

Ang naging pangunahing banta sa mga pharaoh ng Thebes ay ang Ika-16 na Dinastiya na tinatawag ding Dinastiya ng Great Hyksos na namayani sa Avaris. Nagawang palawigin ng mga pinuno rito ang kanilang kapangyarihan hanggang sa katimugang bahagi na umaabot sa Thebes. Ang pangingibabaw ng dinastiya ng mga Hyksos ay natapos sa pag-usbong ng Ika-17 Dinastiya. Nagawang mapatalsik ng mga pinuno nito ang mga Hyksos mula sa Egypt.

Ang Bagong Kaharian ay itinuturing na pinakadakilang panahon ng kabihasnang Egyptian. Ito ay pinasimulan ng Ika-18 Dinastiya. 

Tinatawag din ito bilang Empire Age. Naitaboy ni Ahmose (1570-1546 B.C.E.) ang mga Hyksos mula sa Egypt noong 1570 B.C.E. 

Sinimulan niya ang dinastiya ng mga dakilang pharaoh mula sa Thebes at namayani mula sa delta hanggang Nubia sa katimugan. 

Panahon din ito ng agresibong pagpapalawak ng lupain ng Egypt sa kamay ng malalakas na mga pharaoh. 

Ang kapangyarihan ng Egypt ay umabot sa Nubia sa katimugan hanggang sa Euphrates River sa Mesopotamia, sa lupain ng mga Hittite at Mitanni.

Si Reyna Hatshepsut (1503-1483 B.C.E.), asawa ni Pharaoh Thutmose II (1518-1504 B.C.E.), ay kinilala bilang isa sa mahusay na babaing pinuno sa kasaysayan. Siya ay nagpagawa ng mga templo at nagpadala ng mga ekspedisyon sa ibang mga lupain. 
Sa kaniyang pagkamatay, lalo pang pinalawig ni Thutmose III (1504-1450 B.C.E.), anak ni Thutmose II, ang Imperyong Egypt.

Isa sa mga tanyag na pharaoh noong ika-14 na siglo B.C.E. ay si Amenophis IV o Akhenaton (1350-1334 B.C.E.). Tinangka niyang bawasan ang kapangyarihan ng mga pari sa pamahalaan. Tinangka rin niyang baguhin ang paniniwala ng mga tao ukol sa pagsamba sa maraming diyos.

Pinasimulan niya ang bagong relihiyon na nakatuon sa pagsamba sa iisang diyos, si Aton, na sinasagisag ng araw. Sa kasamaang-palad, hindi tinangkilik ng mga pari ang ganitong pagtatangka. Sa pagkamatay ni Akhenaton, tuluyang nawala ang kaniyang sinimulan. 

Siya ay pinalitan ni Tutankhamen (1334-1325 B.C.E.) na noon ay siyam na taong gulang pa lamang nang maupo sa trono.

Isa sa mga tanyag na pharaoh noong ika-14 na siglo B.C.E. ay si Amenophis IV o Akhenaton (1350-1334 B.C.E.). Tinangka niyang bawasan ang kapangyarihan ng mga pari sa pamahalaan. Tinangka rin niyang baguhin ang paniniwala ng mga tao ukol sa pagsamba sa maraming diyos.

Pinasimulan niya ang bagong relihiyon na nakatuon sa pagsamba sa iisang diyos, si Aton, na sinasagisag ng araw. Sa kasamaang-palad, hindi tinangkilik ng mga pari ang ganitong pagtatangka. Sa pagkamatay ni Akhenaton, tuluyang nawala ang kaniyang sinimulan. 

Siya ay pinalitan ni Tutankhamen (1334-1325 B.C.E.) na noon ay siyam na taong gulang pa lamang nang maupo sa trono.

Ang Ika-19 na Dinastiya ay pinasimulan ni Rameses I (1293-1291 B.C.E.). 

Siya ay sinundan nina Seti I (1291-1279 B.C.E.) at Rameses II (1279-1213 B.C.E.). 

Si Rameses II ay isa sa mahusay na pinuno ng mga panahong ito. Sa loob ng 20 taon, kinalaban niya ang mga Hittite mula sa Asia Minor na unti-unting pumapasok sa silangang bahagi ng Egypt.

Natapos ang alitan ng Egypt at Hittite nang lumagda sa isang kasunduang pangkapayapaan si Rameses II at Hattusilis III, ang hari ng Hittite. Ito ang kauna-unahang kasunduang  pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang imperyo sa kasaysayan ng daigdig.

Pinaniniwalaang ang Exodus ng mga Jew mula Egypt ay naganap sa panahon ni Rameses II. Muli na namang humina ang pamamahala sa Egypt sa kaniyang pagpanaw.


Ang Ika-21 Dinastiya, na tinawag din bilang Tanites, ay pinasimulan ni Smendes (1070-1044 B.C.E.) ng Lower Egypt. Ang dinastiyang ito ay napalitan ng mga hari mula sa Libya na nagpasimula naman sa Ika-22 Dinastiya. 

Ang unang pinuno nito ay si Shoshenq I (946-913 B.C.E.) na isang heneral sa ilalim ng nagdaang dinastiya. Sa mga panahong ito, maraming mga nagtutunggaliang pangkat ang nagnanais mapasakamay ang kapangyarihan. Humantong ito sa pagbuo ng Ika-23 Dinastiya. Sa paglisan sa Egypt, sa Sudan, isang prinsipe ang kumontrol sa Lower Nubia. Nang lumaon, isang nagngangalang Piye ang sumalakay pahilaga upang kalabanin ang mga naghahari sa Nile Delta. Umabot ang kaniyang kapangyarihan hanggang sa Memphis. 

Sumuko nang lumaon ang kaniyang katunggaling si Tefnakhte subalit pinayagan siyang mamuno sa Lower Egypt. Sinimulan niya ang Ika-24 na Dinastiya na hindi naman nagtagal.

Nagsimula ang Ika-26 na Dinastiya sa ilalim ni Psammetichus (664-610 B.C.E.). Nagawa niyang pagbuklurin ang Middle at Lower Egypt. 

Nakontrol niya ang buong Egypt noong 656 B.C.E. Sa ilalim ni Apries, isang hukbo ang ipinadala upang tulungan ang mga taga-Libya na puksain ang kolonya ng Greece na Cyrene. 

Subalit ang malaking pagkatalo ng kaniyang hukbo ay nagdulot ng kaguluhang sibil na humantong sa paghalili ni Amasis II (570-526 B.C.E.).

Hindi naglaon, napasakamay ng mga Persian ang Egypt. Ang pinuno ng mga Persian na si Cambyses II ang naging unang hari ng Ika-27 Dinastiya.

Napalayas ng mga Egyptian ang mga Persian sa pagtatapos ng Ika-28 Dinastiya. Sa pananaw ng Persia, ang Egypt ay isa lamang nagrerebelyong lalawigan nito. Namuno ang mga Egyptian hanggang sa ika-30 Dinastiya bagama’t mahihina ang naging pinuno. Panandaliang bumalik sa kapangyarihan ang mga Persian at itinatag ang Ika-31 Dinastiya

Noong 332 B.C.E., sinakop ni Alexander The Great ang Egypt at ginawa itong bahagi ng kanyang Imperyong Hellenistic. Malawak ang saklaw ng kaniyang imperyo na umabot ng Egypt, Macedonia, Asia Minor, Persia, Mesopotamia hanggang Indus Valley sa India. Sa kaniyang pagkamatay noong 323 B.C.E., naging satrap o gobernador ng Egypt ang kaniyang kaibigan at heneral na si Ptolemy.

Noong 305 B.C.E., itinalaga ni Ptolemy ang kaniyang sarili bilang hari ng Egypt at pinasimulan ang Panahong Ptolemaic. Ang Dinastiyang Ptolemaic ay naghari sa loob halos ng tatlong siglo. 
Si Cleopatra VII ang kahuli-hulihang reyna ng dinastiya. Ang Egypt ay naging bahagi ng Imperyong Roman noong 30 B.C.E.



Post a Comment

1 Comments

  1. Maraming salamat tungkol sa mga impormasyong iyong ibinahagi...

    ReplyDelete